top of page
Search
Writer's pictureJohn MT

Paggawa ng Bagoong, Daing, at Tinapa Para sa Negosyo

Updated: Aug 10, 2022

Ang Pilipinas ay sagana sa yamang dagat o yamang tubig -- katulad ng isda, alimango, perlas, koral, at marami pang iba. Kabilang sa mga produktong isda ay tatlo sa pinakapaboritong pagkain ng mga Pinoy: bagoong, daing, at tinapa. Mayaman man o mahirap, tiyak na masarap ang salu-salo kapag nakahain ang mga pagkaing ito!


Paano nga ba ginagawa ang bagoong, daing, at tinapa? Anu-anong klase ng isda ang ginagamit, at saan mabibili ang mga produktong ito? Ang mga kasagutan dito ay sabay-sabay nating alamin!


Paggamit ng Asin Dagat sa Mga Produktong Isda


Mapapansin na sa proseso ng paggawa ng bagoong, daing, at tinapa -- mahalaga ang papel ng asin. Kung kaya’t ang mga gumagawa ng mga produktong ito ay hindi basta-basta gumagamit ng pangkaraniwang asin, kundi “sea salt” (asin dagat).


Ang asin dagat ay nagmula sa tubig-dagat na sumailalim sa natural na proseso ng “solar evaporation.” Sa Pilipinas, kilala ang mga lalawigan ng Pangasinan at Occidental Mindoro sa paggawa ng asin dagat. Kaya’t sa susunod na kumain ka ng bagoong, daing, o tinapa -- isipin mo rin kung saan ito nanggaling at ang proseso sa paggawa nito!


A. Paggawa ng Bagoong


Asin at Bagoong - Sea Salt Supplier

Ang bagoong ay isang uri ng pampalasa na gawa sa burong isda o alamang na may asin. Mayroong 2 klase ng bagoong: “bagoong isda,” na kadalasan ay gawa sa galunggong, ayungin, sapsap, o dilis; at “bagoong alamang,” na gawa naman sa maliliit na hipon.


Narito ang proseso sa paggawa ng “bagoong isda:”


1. Paghaluin ang isda at asin. Ang proporsyon o dami ng isda at asin ay depende sa kagustuhan ng gumagawa.

2. Ilagay ang isda sa mga garapon. Takpan ito at iburo sa loob ng 1 hanggang 3 buwan.

3. Paminsan-minsan, haluin ang isda upang magpantay ang asin.

4. Pagkatapos buruhin, ang resulta ay “bagoong isda” na maaaring gamitin bilang sawsawan o pampalasa sa mga lutong karne, isda, at gulay.


Samantala, ang paggawa ng “bagoong alamang” ay halos kapareho ng sa bagoong isda. Ang pagkakaiba lamang ay nililinis muna ang alamang sa brine solution (pinaghalong tubig at asin), pagkatapos ay patutuyuin at dudurugin… bago ang proseso ng pagbuburo. Pagkatapos buruhin, ang resulta ay “bagoong alamang” na maaaring gamitin bilang pampalasa. Nilalagyan ito ng food coloring para magkaroon ng pula o rosas na kulay.


Bagoong At Asin Dagat - Sea Salt Supplier

Maraming iba't-ibang uri ng bagoong sa Pilipinas. Ang ilan sa mga pinakakilalang produkto ay gawa sa Pangasinan, bagama’t marami rin na gawa sa ibang probinsya at rehiyon. Sa Ilocos, ang bagoong ay tinatawag na “bugguong.” Sa iba’t-ibang lugar naman sa Visayas, tulad ng Iloilo at Roxas City, ang bagoong ay mas kilala bilang “ginamos.”


B. Paggawa ng Daing


Ang daing ay isda na kadalasan ay hinahati o binibiyak, bago aasinan at patutuyuin. Anumang uri ng isda ay pwedeng gawing daing, bagama’t ang pinakakaraniwang uri ay galunggong, bangus, danggit, bisugo, tamban, at pusit.


Daing Asin Supplier  - Sea Salt Supplier

Narito ang proseso sa paggawa ng daing:


1. Hugasan nang mabuti ang isda. Hatiin ito at alisin ang lamang-loob, pagkatapos ay hugasan muli.

2. Ibabad ang isda sa brine solution sa loob ng 3 hanggang 6 na oras.

3. Alisan ng tubig ang isda at ilagay sa mga “drying tray” (patuyuan).

4. Patuyuin ang isda sa ilalim ng araw sa loob ng 2 hanggang 3 araw.

5. Ibalot at iimbak ang daing o pinatuyong isda.


Ang daing ay karaniwang niluluto na pinirito o inihaw. Masarap ito bilang ka-ulam ng kanin, o di kaya’y ng champorado! Halos sa lahat ng sulok ng Pilipinas ay makakabili ka ng daing, at iba’t-iba rin ang tawag dito. Sa mga lalawigan ng Capiz, Cebu, at iba pang lugar sa Visayas, ang daing ay tinatawag na “bulad” o “buwad.”


C. Paggawa ng Tinapa


Daing Asin Supplier - Sea Salt Supplier

Ang tinapa ay tumutukoy sa isda na hinugasan at binabad sa brine solution, bago patuyuin at pausukan. Ito ay kadalasang gawa sa bangus o galunggong.


Narito ang proseso sa paggawa ng tinapa:


1. Hugasan at linisin nang maigi ang isda.

2. Ibabad ang isda sa brine solution sa loob ng 5 hanggang 6 na oras.

3. Ilagay ang isda sa drying tray at hayaang matuyo ito.

4. Pausukan ang isda sa loob ng 1 at 1/2 na oras.


Asin Pang Tinapa - Sea Salt Supplier

Ang tinapa ay karaniwang niluluto na pinirito, pagkatapos ay inihahain kasama ng kanin at kamatis. Tulad ng iba pang produktong isda, ito ay ibinebenta sa halos lahat ng parte ng Pilipinas. Gayunpaman, ang lalawigan ng Bataan ay kilala sa paggawa ng tinapa. Laganap din ang produktong ito sa lalawigan ng Batangas at maging sa Roxas City.


Image Credit: Iris Gabinete Ladiana





1,215 views0 comments

Comments


bottom of page